BABALA! SENSITIBONG BALITA

HIGIT PHP1.6-M HALAGA NG SHABU, NAKUMPISKA SA 8 SUSPEK SA BATAAN AT NUEVA ECIJA

Arestado ang walong suspek sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Bataan at Nueva Ecija noong Mayo 18 at 19, 2025.

Umabot sa mahigit Php 1.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa kanila.

Anim (6) na suspek na kinilala sa mga alyas na “Ariel,” “May,” “Aira,” “Aerol,” “Ron,” at “Allan ang naaresto sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan katuwang ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balanga City Police Station sa Brgy. Cataning noong Mayo 18 dakong 3:50 ng hapon.

Nasamsam mula sa kanila ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 110 gramo na may halagang Php 748,000.00.

Sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, sa buy-bust operation ng Cabanatuan City Police Station dinakip si “Orly,” kwarentay tres (43) anyos, sa Brgy. Padre Crisostomo. Nakumpiska mula sa kanya ang 70.20 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php 477,360.00.

Samantala, noong Mayo 19 dakong 7:40 ng umaga, sa Brgy. Gugo, Samal, Bataan, ay naaresto naman si alyas “Harry,” isang high-value individual, sa isinagawang operasyon ng Samal Municipal Police Station, PIU-Bataan, 1st PMFC, at PPDEU. Nakuha mula sa kanya ang 56 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php 380,800.00, isang .38 caliber revolver na may apat na bala, at Php 1,000 marked money.

Ang mga naarestong indibidwal ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad at sasailalim sa masusing imbestigasyon. Nakahanda na rin ang mga kasong isasampa laban sa kanila kaugnay ng kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga at iba pang mga paglabag na may kaugnayan sa isinagawang operasyon.