BABALA! SENSITIBONG BALITA:

HIGIT PHP1-BILYONG HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA PAMPANGA

Tinatayang umaabot sa P1.05 billion ang street value ng nasamsam na shabu sa isinagawang raid ng Philippine Drug Enforcement Agency, mga miyembro ng military, National Intelligence Coordinating Agency, at mga pulis sa Angeles, Pampanga noong May 26, 2025.

Batay ang raid sa warrant na inilabas ni Judge Eda Dizon ng Angeles Regional Trial Court Branch 60 laban sa Chinese national na kinilalang si Guang Tou dahil sa paglabag sa Repulic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakatakas umano si Guang bago dumating ang raiding team sa property na kanyang tinitirahan sa Orchid Street, Timog Hills Subdivision, Barangay Pampang.

Ayon kay PDEA chief Isagani Nerez, narekober ng team ang 155 plastic bags, na bawat isa ay naglalaman ng isang kilo ng hinihinalang shabu, at isang Lexus vehicle na may plakang TYT 841.

Konektado aniya ang raid sa isa pang operation na isinagawa din sa Angeles dalawang linggo na ang nakararaan, kung saan nasamsam ang 35 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P238 million mula sa isang Chinese at isang Pinay.