BABALA! SENSITIBONG BALITA:
HIGIT PHP25-M HALAGA NG PARTY DRUGS, NASABAT NG MGA AWTORIDAD SA CLARK FREEPORT ZONE
Naharang ng mga awtoridad ang mahigit Php25 milyong halaga ng ketamine sa isinagawang airport interdiction operation sa isang warehouse sa loob ng Clark Freeport Zone noong July 30, 2025.
Naglalaman umano ang parsela ng mahigit limang kilo ng ketamine—regulated party drugs—na idineklara bilang isang shipment ng “Data Cable Roll” at nagmula sa Lier, Belgium. Dumating ito sa Pilipinas noong July 24, 2025.
Ang kargamento ay naka-address sa isang residente ng Rodriguez, Rizal. Pagdating nito ay mabilis na nag-coordinate ang ilang yunit ng mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at sinubaybayan at sinuri ang kahina-hinalang kargamento.
Bagaman walang naarestong suspek, kinumpirma ng mga awtoridad sa Brigada News na patuloy ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang mga sangkot sa smuggling operation.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa pinapangalanan ng mga opisyal ang kanilang persons of interest ngunit tinutunton na umano nila ang sindikato sa likod ng ilegal na kargamento.

