Ibababa na ang pondong aabot sa Php30,937,500 para sa mga Public Health Care Workers at non-Health Care Workers mula sa Provincial Health Office at sampong ospital na pinamamahalaan ng pamahalaang panlalawigan.

Ito ay matapos na aprubahan sa 10th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa kasunduan sa pagitan ng Department of Health-Central Luzon Center for Health Development para sa pagkakaloob ng Health Emergency Allowance (HEA) para sa mga kawani ng mga ospital na tumugon at humarap sa COVID.

Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josefina Garcia, sakop ng mahigit Php30M na ito ang allowances ng mga Health Care Workers at non-Health Care Workers mula August hanggang December 2021.

Nakabase naman sa bilang ng duty sa mga COVID ward ang halaga ng kompensasyong matatanggap ng bawat isa.

Sinabi din ni Dra. Garcia na bagaman natagalan bago bumaba ang pondong ito ay hindi naman aniya nakalilimot ang DOH at nagsisikap na maibigay ang nararapat na allowance para sa kanila.

Maliban dito ay hinihintay din aniyang maiproseso ng kagawaran ang HEA para naman sa taong 2022 upang maipagkaloob na rin sa mga frontliners.