HIGIT PHP43-MILLION, TULONG PARA SA MGA NOVO ECIJANONG MAGSASAKA NA NAAPEKTUHAN NG EL NIÑO

Pinukpukan sa 26th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Acting Governor Emmanuel Antonio Umali na lumagda sa Deed of Donation para sa pagkakaloob ng special financial assistance mula sa Office of the President na nagkakahalaga ng Php43,650,000.

Ang naturang pondo ay ipamamahagi sa mga magsasaka, mangingisda at mga mahihirap na pamilya na lubhang naapektuhan ng nagdaang El Niño upang makabangon muli at maibsan ang kanilang kalagayan.

Ayon kay Economist III Sherly Sta. Ana ng Office of the Provincial Agriculturist, base sa ibinigay na listahan ng Department of Agriculture Regional Field Office III, aabot pa lamang sa mahigit 3,000 magsasaka mula sa labing anim na munisipyo o bayan ang kanilang naitala.

Kinabibilangan ito ng mga lungsod at bayan ng Carranglan, Gabaldon, Peñaranda, Sta. Rosa, Cabanatuan, Palayan, Rizal, Cuyapo, Science City of Muñoz, Lupao, Licab, San Jose, San Leonardo, General Tinio, Bongabon at Nampicuan.

Bawat bahay aniya ay makatatanggap ng tig-Php10,000 at ang kabuuang bilang na magiging benepisyaryo ay nasa 4,365 households.