“HINDI HABANG BUHAY, MAHIRAP TAYO”, PANGAKO NG GRADUATING STUDENT SA KANYANG PAMILYA
Isa na namang kwento ng pagsusumikap at pananampalataya ang bumihag sa puso ng marami matapos mag-viral sa social media ang isang Facebook post ni Kenneth Ortega, isang graduating student mula sa Brgy. San Juan, Pantabangan, Nueva Ecija, na humingi ng tulong upang makabayad ng natitirang tuition fee.
Noong Hunyo 2, 2025 bandang alas-8 ng gabi, ibinahagi ni Kenneth ang kanyang sitwasyon sa social media matapos siyang sabihan ng kanilang program head na hindi siya maisasama sa listahan ng mga magsisipagtapos kung hindi niya agad mababayaran ang nalalabing balanse sa eskwelahan na umaabot sa mahigit Php16,700.
Sa kabila ng hiya, nagdesisyon siyang gamitin ang kanyang boses at i-post ang kanyang panawagan online, hindi niya ito agad sinabi sa kanyang mga magulang upang hindi nila maramdaman ang bigat ng sitwasyon.
Ngunit kinagabihan ding iyon, isang hindi kilalang donor ang dumating sa kanilang bahay upang mag-abot ng tulong—doon nalaman ng kanyang ina ang tungkol sa post.
Galing sa isang simpleng pamilya, si Kenneth ay pangatlo sa apat na magkakapatid, at kaisa-isang lalaki, construction worker ang kanyang ama at dating kasambahay at labandera naman ang kanyang ina na kasalukuyang may iniindang karamdaman.
Dahil dito, dumaan sa maraming pagsubok ang kanilang pamilya, kabilang na ang mga panahong walang-wala silang pera at umaasa lamang sa ilaw ng lampara para makapag-aral.

