BABALA! SENSITIBONG BALITA:

HIT-AND-RUN, PAMAMARIL SA ISANG NEGOSYANTE, NAG-CRASH NA HELICOPTER, MGA TRAHEDYANG BUMULAGA SA NUEVA ECIJA, PAGPASOK NG BUWAN NG PEBRERO

Napansin ng ilang netizens ang sunud-sunod na trahedyang naganap sa lalawigan pagsalubong sa buwan ng Pebrero ngayong taon.

Pangunahin ang hit and run kung saan sampong sasakyan kabilang ang mga motorsiklo at mga kotse na naararo ng Nissan Navarra pick-up sa kahabaan ng Maharlika Highway, sa mga Barangay ng H. Concepcion at Sumacab Este, Cabanatuan City, 6:30 PM noong January 31, 2025.

Base sa report ng kapulisan, tinangka umanong tumakas ng 45-year-old driver ng pick-up na residente ng Brgy. Castellano, San Leonardo, ngunit tinugis ito ng mobile patrollers.

Nawalan ito ng kontrol kaya bumangga sa footbridge kaya nakorner at nadakip siya ng mga awtoridad, at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury, at damage to properties.

Idineklarang dead on arrival naman sa Dr. PJGMRMC Hospital ang biktimang singkwentay dos anyos na lalaking nagmamaneho ng Yamaha RS100 motorcycle na may sidecar, at residente ng H. Concepcion, Kapitan Pepe, Cabanatuan City, sanhi ng malulubhang sugat na natamo nito sa aksidente.

Habang ang 41-year-old na lalaking motorista mula sa Brgy. Bayanihan, Gapan City ay nakapagpagamot ng kanyang mga sugat.

Sa bayan naman ng Jaen, nasakote ng mga awtoridad ang riding-in-tandem (RIT) na mga miyembro umano ng Elo gun-for-hire group, mga suspek sa pananambang at pagpapaulan ng bala sa sports utility vehicle at napaslang na negosyanteng si Jerry Flaminiano sa Brgy. Apo Esquivel noong February 1, 2025.

Kinilala ang narestong suspek na si alyas Sandy, 34 years old. Nakuha umano sa kanya ang isang cal.45 pistola na may tatlong bala, isang hand grenade, isang pouch na naglalaman ng iba’t-ibang identification card, at isang plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Ayon sa ulat ng mga pulis, nakatakas at tumalon sa ilog ang kasabwat nito pero natagpuang patay.

Narekober din ang getaway motorcycle ng mga suspek at isang pulang sweatshirt na pag-aari ng isa sa mga suspek.

Samatala, nag-crash naman ang helicopter na may body number RP-C3424 sa sapa sa Purok Arimung-mong, Brgy. San Miguel, Guimba, Nueva Ecija, 5:00 PM noong February 1, 2025.

Nagsagawa ng rescue operations ang local government unit, barangay officials, concerned residents, and Nueva Ecija Provincial Police Office kung saan natagpuan ang bangkay ng babaeng piloto nito na si Julia Flori Monzon Po.

Dumating din ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) at naglunsad ng forensic processing and post-mortem investigation at nakipag-coordinate sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa technical investigation upang malaman ang dahilan ng pag-crash ng helicopter.