HIV SEMINAR AT LIBRENG TESTING, ISINAGAWA SA NUEVA ECIJA KASABAY NG WORLD AIDS DAY 2024

Kasabay ng pagdiriwang ng World AIDS Day 2024 na may temang “Take the Rights Path,” isinagawa ang HIV seminar at libreng testing sa Bongabon District Hospital upang magbigay ng tamang kaalaman tungkol sa HIV/AIDS at ipabatid sa publiko ang karapatan ng mga pasyenteng may HIV.

Ayon kay Medical Officer III ng Bongabon District Hospital na si Dra. Gift Kristine Dorothy Pagaduan, ang mga kalahok sa seminar ay ang mga Barangay Health Workers mula sa Bongabon at Palayan City, dahil mas may kakayahan silang ipakalat ang mga natutuhang kaalaman sa kanilang mga ka-barangay.

Ibinahagi rin ni Dra. Pagaduan ang pinakabagong datos na naitala noong Agosto 2024, na nasa higit 150 ang aktibong kaso ng HIV sa Nueva Ecija.

Ang pinakamaraming kaso ay mula sa age group na 25 hanggang 34 taong gulang, at karamihan sa mga pasyenteng apektado ay mga lalaki.

Payo ni Dra. Pagaduan, upang makaiwas sa HIV, ay iwasang makipagtalik sa hindi partner o gumamit ng proteksyon tulad ng condom.

Makakatulong din aniya ang hindi paggamit ng droga at labis na pag-inom ng alak upang maiwasan ang mapanganib na pag-uugali at pakikipag-talik sa ibang tao.

Dagdag pa ni Eduardo Dela Cruz, isang nurse mula sa Bongabon District Hospital, mahalaga ang maagap na pagpapasuri kung may sintomas na nararamdaman tulad ng sakit sa puson o pag-ihi.

Samantala, upang mabawasan ang mga kaso ng HIV sa lalawigan, nagsasagawa ng iba’t-ibang programa ang Kapitolyo, tulad ng libreng testing, pamimigay ng libreng testing kits at condom sa mga Rural Health Unit, at ang pagbibigay ng mga libreng seminar.