Mas pinaigting ng Highway Patrol Group (HPG) ang kanilang inspeksyon sa mga transport terminal at establisyemento bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa kalsada.
Ayon kay Police Major Adrian Angelo P. Del Rosario, HPG Team Leader, regular ang kanilang pag-iikot katuwang ang Land Transportation Office (LTO) upang matiyak na kumpleto at wasto ang mga dokumento ng mga sasakyan at driver.
Kabilang aniya sa pangunahing tinututukan ng HPG ang wastong paggamit ng e-bikes at ang mahigpit na pagsunod sa mga batas trapiko.
Ilan sa mga karaniwang paglabag na kanilang natutuklasan ay ang paso o kawalan ng lisensya at kakulangan ng kinakailangang papeles ng sasakyan.
Patuloy rin ang pagsasagawa ng information drive sa mga paaralan at komunidad upang itaguyod ang responsableng pagmamaneho.
Paalala ng HPG sa publiko na laging magsuot ng angkop na safety gear at iwasan ang pagmamaneho nang nakainom upang maiwasan ang aksidente at mapangalagaan ang buhay.

