HUSAY NG ATLETANG NOVO ECIJANO SA DANCE SPORTS, TAMPOK SA MATAGUMPAY NA PROVINCIAL ATHLETIC MEET 2025

Muling pinatunayan ng mga atletang Novo Ecijano ang kanilang husay sa Nueva Ecija Provincial Athletic Meet 2025 na ginanap mula Nobyembre 12 hanggang 15, kung saan dinagsa ng mga tagasuporta ang iba’t ibang sports venues sa apat na araw ng kompetisyon.

Pinangasiwaan ni Joel Cruz Division Sports Officer ng DepEd Nueva Ecija, kasama ang iba pang sports officers, ang maayos at organisadong pagdaraos ng palaro sa tulong ng matatag na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan.

Mahigit tatlong libong atleta mula sa apat na congressional district ang naglaban-laban sa 29 sports events, kabilang ang Dance Sports Competition sa Antonio Umali Hall kung saan muling lumahok sa dance sports ang dating qualifier sa Palarong Pambansa na sina Prince Ghiero Abel at Jasmer Anam Santiago.

Ibinahagi ng dalawang atleta ang kanilang hamon sa pagsasabay ng training at pag-aaral, “Don’t stop chasing your dreams..” “Galingan lang po nila..and tuloy tuloy lang po. Huwag po silang titigil sa gusto po nilang abutin” mensahe ng dalawang atleta para sa kapwa kabataang manlalaro.

Namayagpag ang San Leonardo District sa Dance Sports matapos makakuha ng labing dalawang gintong medalya at maging kwalipikado para sa CLRAA, pinangunahan nina Dewayne Vernom E. Principe at Alexzys Kate P. Matias ang Modern Standard Category, habang sina Ardan Champ M. Samson at Seff Angela S. Mateo ang nagwagi sa Latin American Category, na parehong kinatawan ng Tagumpay Nagaño Elementary School.

Nakapasok din sa CLRAA sina Tristan De Guzman at Angel Niña Gabriella Abas ng Julia Ortiz Luis National High School matapos magwagi ng limang sunod-sunod na gintong medalya sa iba’t ibang Latin dances.

Nagpaabot ng pasasalamat sina Joel Cruz at iba pang sports officers sa suporta ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pangunguna nina Acting Governor Gil Raymond Umali at Governor Aurelio “Oyie” Umali, para sa mga atletang Novo Ecijano. Maliban sa pagkain, uniporme, at kagamitan, nagbibigay rin ng insentibo ang Kapitolyo sa mga kalahok.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang pormal na anunsiyo ng kabuuang tala sa ginanap na Nueva Ecija Provincial Athletic Meet 2025.