HUSTISYA PARA SA ASONG LIMANG BESES PINANA, PANAWAGAN NG MGA ANIMAL GROUP

Patuloy ang panawagan para sa hustisya sa asong si Tiktok matapos siyang barilin ng pana nang limang beses sa Hacienda Puyas, Blumentritt, Murcia, Negros Occidental.

Bilang tugon, itinaas na sa halagang Php65, 000 ang pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa taong responsible sa kalupitang ito.

Iba’t ibang animal welfare groups, kabilang ang Animal Kingdom Foundation(AKF) at BACH Project PH, ang nagkakaisang nanawagan na mapanagot ang may sala at tuluyang matigil ang anumang uri ng pagmamalupit sa mga hayop.

Sa isang Facebook post, ipinaabot ng AKF ang kanilang matinding pagkabahala at galit sa naganap na insidente, na kanilang tinawag na isang malupit at walang pusong gawain mula sa isang taong wala sa matinong pag-iisip.

Bukod sa hustisya para kay tiktok, nananawagan din ang AKF sa publiko na maging mapagmatyag at aktibong ipagtanggol ang mga hayop na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili mula sa pang-aabuso at karahasan.

Ayon sa ulat, ginamit ang tinatawag na “Indian target” s apag-atake kat tiktok, na labis na ikinagalit ng mga animal lovers.

Kaagad na rumesponde ang BACH Project PH upang maisalba ang buhay ni Tiktok, na sumailalim sa isang matagumpay na operasyon at ngayon ay patuloy nang nagpapagaling.

Ang lumalaking halaga ng pabuya ay mula sa mga kontribusyon at donasyon ng iba’t ibang pampubliko at pribadong tao na nagnanais na mabigyan ng hustisya si Tiktok.

Hinihikayat ang sinumang may impormasyon sa insidente na lumantad at makipagtulungan upang mapanagot ang gumawa nito.