Dumurog sa puso ng fur parent na si Vina Rachelle Arazas at ng netizens ang tagpo kung saan natagpuang wala nang buhay at nakasilid pa sa sako ang asong si Killua, ang tatlong taong gulang na Golden Retriever.
Bumuhos din sa social media ang pakikiramay ng mga netizens at panawagan na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng aso.
Makikita sa CCTV footage ng Barangay Tres, Reyes sa Bato, Camarines Sur ang pagtalon ni Killua mula sa rooftop ng bahay nina Vina at may dinambahang babae na humingi naman ng saklolo.
Ilang sandali pa ay nakita sa CCTV footage sa gate nina Vina na hinahabol na ito ng isang lalaki at hinampas ng kahoy.
Nang magising daw ng alas sais ng umaga si Vina ay hinanap nito ang kanyang aso na wala sa kanyang tabig at nang matagpuan ito ay nakasako na at wala ng buhay.
Ayon sa kapitbahay na suspek, kinagat siya ng aso at isa pang residente kaya niya ito pinatay at wala daw intensyong katayin ito.
Ngunit giit ng furparent na si Vina, hindi ito sapat na dahilan para patayin ang kanyang alaga.
Sa kanyang facebook post ay sinabi ni Vina na sisiguraduhin niyang mapapanagot ang gumawa nito sa kanyang aso para matigil na rin ang pang-aabuso at pagkatay ng aso sa kanilang lugar.
Ipinagbabawal sa Animal Welfare Act ang pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga domesticated animal tulad ng aso at mayroon itong karampatang parusa at multa.

