IBA’T IBANG SEKTOR, NAGKAKAISA SA PROTESTA; PNP MAGPAPAKALAT NG 50,000 PULIS SA SETYEMBRE 21 RALLY

Naghahanda na ang iba’t ibang sektor para sa isang malawakang kilos-protesta sa darating na Linggo, Setyembre 21, kasabay ng ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.

Sa mga nakalipas na araw, sunod-sunod ang protesta laban sa umano’y malawakang korapsyon at kapabayaan ng pamahalaan.

Sa Pampanga, mga magsasaka at manggagawa ang nagbato ng putik sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways o DPWH bilang pagtuligsa sa umano’y palpak na flood control projects.

Sa Bacolor, mga tricycle driver naman ang nanguna sa noise barrage, habang sa Baguio City, higit 1,000 estudyante ng University of the Philippines ang nag-walkout sa klase upang iprotesta ang tinawag nilang “kurap na sistema.”

Ipinahayag ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (Tama Na) na bubuhos ang libu-libong mamamayan sa Luneta Park, Maynila sa Linggo.

Magsisimula ang pangunahing programa alas-9 ng umaga, ngunit bago nito ay nakatakdang magsagawa ng hiwalay na pagtitipon ang mga grupo sa iba’t ibang lugar.

Kasabay nito, magsasagawa rin ng parallel protests ang mga grupo sa Tagbilaran, General Santos, Laoag, San Fernando, Bacolod, Davao, Iloilo, Cebu, Tuguegarao, Santiago at Baguio.

Sa Luneta, inaasahang magtatampok ang programa ng mga talumpati at pagtatanghal mula sa iba’t ibang sektor hanggang ala-1 ng hapon.

Pagkatapos nito, magmamartsa ang mga raliyista patungong Mendiola Peace Arch at saka sasanib sa Trillion Peso March sa EDSA at People Power Monument sa Quezon City.

Upang masiguro ang pagdalo, magbibigay ng libreng sakay ang transport group na Manibela.

Tiniyak naman ng Philippine National Police o PNP na magpapakalat ito ng mahigit 50,000 pulis sa buong bansa para tiyakin ang seguridad at kaayusan.

Sinabi ni PNP-PIO chief PBGen. Randulpf Tuaño, kabilang dito ang 10,000 sa visibility posts, 17,000 sa mobile patrol, 3,000 sa trapiko, 9,000 sa checkpoints, 6,000 para sa crowd management, 4,500 bilang bahagi ng Reactionary Standby Support Force, at 400 drone operators.

Dagdag pa ni DILG Secretary Jonvic Remulla, suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin.