Sa halip na pumila sa mga pagamutan upang magpakonsulta sa Doktor, magpalaboratoryo at bumili ng gamot ay mismong ang mga serbisyong medikal na ang ilalapit sa bawat komunidad sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ito ay matapos na pukpukan sa 47th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na tanggapin at lumagda sa Deed of Donation mula sa First Gen Hydro Power Corporation para sa Hino Mobile Clinic.

Ang naturang mobile clinic ay magbibigay ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan sa mamamayan partikular na sa mga mahihirap na mga Novo Ecijano.

Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josefina Garcia, pagkatapos na makakuha ng accreditation at licensing inaasahang lilibot sa probinsya ang mobile clinic ngayong buwan ng Enero sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga outreach program sa mga barangay.

“Ito ay tamang-tama sa mga pupuntahan nating barangay na malalayo, na ang mga tao ay nahihirapang komunsulta o magpagawa nitong mga nasabing mga procedure na ito sa mga ospital kung kaya sa Cabanatuan. Ito po ay ating gagawin kapag po meron na tayong lisensya ay i-schedule nap o, ilalabas na po ang schedule ng mga lugar kung saan po tayo pupunta.”

Kinapapalooban ng mobile truck na ito ang iba’t ibang serbisyong medikal tulad ng Xray, Ultrasound, ECG, at Laboratory at ang unang seserbisyuhan ay ang mga barangay na pinakamalalayo sa mga pagamutan.

“Ang layunin natin ay mailapit o maihandog ang primary health care sa mga komunidad, uunahin natin yung mga malalayong lugar na nahihirapan silang pumunta sa mga ospital o sa mga clinic ng mga doctor.”

Ang mobile truck na ito ay naiturn-over sa lalawigan ng Nueva Ecija nang bumisita at maglunsad ng Lab For All si First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos noong October 3, 2023.

Ngapasalamat naman si Dra. Garcia sa First Gen Hydro Power Corporation sapagkat malaki itong tulong sa kanilang Primary Health Care Program para sa mga barangay gayundin kay Governor Oyie dahil sa kanyang mga inisyatibo sa pagsisiguro na matugunan ang pangangailangan sa serbisyong medikal ng mga Novo Ecijano.