IBA’T IBANG URI NG MEDITATION UPANG MAKA-IWAS SA STRESS

Isang magandang umaga mga mars!

Nagbabalik muli si Star Rodriguez-Piccio para sa Beauty, Health at iba pang tips. At nandito nanaman ako ngayon upang tulungan ko kayong maalis ang inyong stress!

Ang stress ay may negatibong epekto sa ating kalusugan. Maaari itong makaapekto sa ating blood sugar levels, pagpili ng pagkain, pagkakasakit, timbang at iba pa. Upang maiwasan ito, mahalagang humanap ng mga healthy na paraan para mabawasan o mawala ang ating stress.

Ang pag-memeditate ay isang paraan sa pagkakaroon ‘inner peace’. Sa ganitong paraan ay naaalis ang stress na dulot ng trabaho at iba pang dahilan.

Ayon sa Mayo Clinic, ang paggugol ng kahit ilang minuto sa pagmemeditate ay makakatulong na maibalik ang iyong pagiging kalmado, payapa at balanse sa emosyonal at kritikal na pag-iisip. Ang pagme-meditate ay makakatulong upang manatiling pokus sa ating ginagawa at magkaroon ng kalmadong pakiramdam. Kahit sino ay maaaring magsanay ng ‘meditation’. Ito ay simple, hindi magastos at hindi mo kailangan ng anumang espesyal na kagamitan dahil maaari mo itong gawin mismo sa loob ng inyong tahanan. Narito ang iba’t ibang uri ng meditation.

  1. Guided Meditation o Guided imagery/visualization
    Sa pamamaraang ito, bumubuo ka ng mga imahe sa isip ng mga lugar o bagay na makakatulong sa iyong makapagrelax o makapagpahinga.
  2. Mantra Meditation
    Sa ganitong uri naman ay uulit-ulitin mo ang isang salita na nagbibigay sayo ng kaginhawaan upang maiwasan ang mga negatibong iniisip.
  3. Mindfulness meditation
    Sa mindfulness meditation, bibigyang pansin mo ang iyong mga iniisip at nararamdaman sa pamamagitan ng paghinga.
  4. Qigong (CHEE-gung)
    Ito ay bahagi ng Chinese Medicine, kadalasang pinapanatili nito ang balanseng pag-iisip sa pamamagitan ng pagsasanay sa paghinga.
  5. Tai chi (TIE-CHEE)
    Ito ay isang uri ng martial arts ng Tsino. Sa tai chi, ang mga postura o galaw ay sinasabayan ng malalim na paghinga sa mabagal na paggalaw.
  6. Yoga
    Gumagawa ka ng isang serye ng mga postura na may kontroladong paghinga. Nakakatulong ito na bigyan ka ng mas ‘flexible’ na katawan at kalmadong pag-iisip. Upang gawin ang mga poses, kailangan mo ng matinding pokus at balanse.

Subukan ang iba’t ibang paraan ng pagme-medidate upang malaman kung anong mga uri ng meditation ang akma para sa iyo. Tandaan, walang tamang paraan o maling paraan para mag-meditate. Ang pagme-meditate ay nakakatulong sa iyo na bawasan ang iyong stress at manumbalik ng iyong lakas na panloob at pokus.