ID NG MGA PWD, POSIBLENG MAGING LIFETIME PERO PAG-AARALAN PA!

Naghain ng panukalang batas si Senador Erwin Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, na layong gawing habambuhay ang bisa ng Persons with Disability (PWD) Identification Cards.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1405, isinusulong ni Tulfo ang pag-amyenda sa Republic Act No. 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disability” upang ang PWD ID ay maging libre at valid habang buhay ng may-ari nito, partikular na sa mga may permanenteng kapansanan.

Binigyang-diin ng senador na ang PWD ID ay mahalagang dokumento upang makamit ng mga may kapansanan ang mga benepisyong nakasaad sa batas, kabilang ang 20% discount sa mga bilihin at serbisyo, at pantay na oportunidad sa trabaho at edukasyon.

Nilinaw naman ng senador na pag-aaralan pa ang sistema ng pagpapatupad ng lifetime validity, lalo na para sa mga may kapansanang pansamantala o maaaring magamot.

Sinabi ni Tulfo, prayoridad ng panukala ang mga PWD na may permanenteng kapansanan, habang dadaan sa masusing pag-aaral ang mga may kondisyong nagagamot upang matiyak ang patas at maayos na pagpapatupad ng batas.

Samantala, positibo naman ang reaksiyon ni PDAO Head Ariel Sta. Ana ng Nueva Ecija, dahil aniya, magbibigay ito ng malaking ginhawa sa mga PWD na hirap mag-renew at nahaharap sa mga pinansiyal na suliranin.

Maganda rin ang naging reaksiyon ng mga netizen sa isinusulong na panukala ni Senador Tulfo.

Isa na rito ang mensahe ni BabyLou Reyes, na nagsabing mas mainam kung maisasakatuparan ito dahil may ilang establisimyento ang hindi tumatanggap ng expired ID, kahit kitang-kita naman ang kapansanan ng mga PWD.