Matagumpay na idinaos ng Central Luzon State University (CLSU) ang kanilang ika-117 taon na anibersaryo at pagdiriwang ng University Week 2024 na may temang “Break the silence, Transcend your limits.”

Tumagal ang pagdiriwang ng tatlong araw mula April 8 hanggang April 12, 2024.

Sa unang araw ng University Week, nag daos ng parada ang bawat kolehiyo. Kasabay nito ang iba pang aktibidad tulad ng Chalk Art, Busking (Open Mic), Photo Booth, Random Play Dance, at Movie night.

Mayroon ding mga Bazaar kung saan maaaring mamili ang mga estudyande ng iba’t ibang produkto tulad ng mga pagkain, damit, libro at iba pa.

Sa ikalawang araw ng pagdiriwang, idinaos sa CLSU Infirmary at Office of Student Affairs (OSA) ang blood donation drive. Kasunod naman nito ang paligsahan sa intercollege Debate at Quiz Bee na sinalihan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo at departamento.

Isa rin sa ginanap ang mural competition na pinangunahan ng College of Arts and Social Sciences, kung saan nagtagisan ang mga mag-aaral mula sa buong unibersidad.

Sa pagtatapos ng ikalawang araw ng selebrasyon, ginawaran ng parangal ang mga outstanding students na kinabibilangan ng mga student leaders, athletes, committees, at iba pa.

Sa ikatlo at huling araw naman ng pagdiriwang, nag pakitang gilas ang mga mag-aaral na miyembro ng LGBTQIA+ sa pamamagitan ng kanilang husay at talento sa ginanap na Drag Race competition na pinamagatang ExDravaganza: The show must go on.

Sinundan naman ito ng music festival na pinaka aabangan ng mga CLSUans. Nag bigay kulay at saya sa pagtatapos ng selebrasyon ng University Week 2024 ang mga guest artists na sina Maki, DJ Azual, MC Gidz, Hezekiah, The Ridleys, at Clouds.

Sa ika-117 na anibersaryo at University Week ng CLSU, matagumpay na ipinamalas ng buong komunidad ang pagkakaisa at dedikasyon. Ang pagtatapos ng tatlong araw na pagdiriwang ay hindi lamang nagbigay ng kasayahan kundi naghatid din ng inspirasyon sa mga estudyante na patuloy na lumaban at magtagumpay sa kanilang mga pangarap at layunin bilang mag-aaral.