IKA-80 ANIBERSARYO NG GREAT RAID SA PANGATIAN, GINUNITA
Inalala sa Camp Pangatian Memorial Shrine, Cabanatuan City, ang makasaysayan at matagumpay na pagsagip sa mga bihag ng puwersang Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II.
Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang ‘80th Anniversary of the Liberation of the Philippines’ na may temang “Liberation’s Legacy: Honoring the Past, Shaping the Future.”
Ang Camp Pangatian ay dating piitan ng daan-daang sundalong Amerikano at Pilipino na binihag ng mga Hapon matapos ang pagbagsak ng Bataan at Corregidor noong 1942.
Disyembre 8, 1941 nang lusubin at inukopa ng mga Hapon ang Pilipinas na nagwakas noong Enero 30, 1945, dahil sa matagumpay na nailigtas ng Allied Forces, kabilang ang U.S. Army 6th Ranger Battalion, Alamo Scouts, at mga gerilyang Pilipino, ang mahigit 500 na ‘prisoners of war’ o POWs sa isang rescue operation na tinaguriang ‘Raid at Cabanatuan’.
Upang gunitain ang tagumpay at sakripisyong ito, dumalo sa seremonya ang mga kinatawan mula sa NHCP sa pangunguna ni Chair Regalado Trota Jose Jr., pati na rin si Undersecretary Pablo M. Lorenzo ng Department of National Defense – Civil, Veterans, and Reserve Affairs.
Kasama rin sa mga dumalo sina Mr. Chad Kinnear, Deputy Director of Public Engagement, Public Affairs Section, U.S. Embassy in the Philippines, Undersecretary Reynaldo Mapagu, Administrator ng Philippine Veterans Affairs Office, at Col. Jerald J. Reyes INF (GSC) PA, Commanding Officer, 84IB, 71D, PA.
Inirepresenta naman ni Provincial Administrator Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro si Nueva Ecija Governor Aurelio “Oyie” Matias Umali.
Sa paggunita ng makasaysayang araw na ito, muling ipinaalala sa lahat na ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay bunga ng sakripisyo ng mga bayaning hindi natin dapat kalimutan.

