BABALA! SENSITIBONG BALITA:
IKA-APAT NA KASO NG SUICIDE SA LICAB, NAITALA; PROBLEMA SA PAMILYA, ITINUTURING NA PANGUNAHING DAHILAN

Matapos maitala ang ika-apat na kaso ng suicide ngayong taon sa bayan ng Licab, Nueva Ecija, nananawagan ang Sangguniang Kabataan at mental health professionals na huwag husgahan ang tao na dumaranas ng problema, at paigtingin ang suporta sa mental health hindi lamang ng kabataan, kundi ng lahat ng mamamayan.

Kasunod ito ng mga komento ng ilang netizens na nagsasabing “mahihina ang loob” ng mga kabataan na nag-suicide.

Ayon kay Jan Isidro Sawit Perez, SK Federation President ng Licab, maling isipin na mahina ang loob ng mga kabataan na nagtatangkang wakasan ang sariling buhay.

Aniya, base sa kanyang personal na obserbasyon, ang mga kabataang biktima ng suicide ay ang mga kabataang kulang sa paggabay ng magulang, bunga ng broken family, o hindi kaya’y mga kabataang nasa malayong lugar ang magulang.

Matatandaang mula January hanggang July 2025 ay naitala ang tatlong magkakasunod na kaso ng suicide ng mga kabataan na nasa edad 20 hanggang 24 taong gulang, at kamakailan lamang ay isang 18-years-old ang nadagdag sa listahan.

Dahil dito, lalong umigting ang pangamba ng mga Licabeños sa kalagayan ng mental health ng kabataan.

Ayon kay Anjanette A. Silvestre, Registered Psychometrician mula sa Human Resources Management Office ng bayan, malaki ang epekto ng stigma at panghuhusga sa mga kabataan na nakararanas ng mental health struggles.

Dagdag pa niya, napakahalaga ng papel ng mga magulang upang mapanatiling matatag ang kalooban ng kanilang anak.

Kaugnay nito, ibinahagi ni SK President Perez na agad kumilos ang mga SK sa bawat barangay matapos ang sunod-sunod na insidente.

Gumagamit umano sila ng social media upang magbahagi ng infographics, motivational posts, at QR codes na maaaring gamitin ng mga kabataan na may pinagdaraanan upang makipag-ugnayan sa kanila nang may kasiguraduhang privacy.

Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na rin ang SK Federation sa LGU, DepEd, Municipal Health Center, religious sectors, at mga mental health professionals upang isagawa ang mental health symposium at counseling program sa mga susunod na linggo.