Kinamusta ng TV48 ang mga tindera na dating nangungupahan at nagbebenta sa nasunog na palengke o City Supermarket ng Cabanatuan.

Ilan sa aming nakapanayam ay nagsabing hindi na sila makakabalik sa bagong pamilihan ng lungsod dahil hindi nila kayang bayaran ang milyones na halaga ng goodwill.

Base sa ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Cabanatuan, pumapalo sa kalahating milyon hanggang mahigit Php54 million pesos ang babayarang goodwill o karapatang magtinda sa dalawang bagong palengke ng lungsod.

Sa presyong ito ay karapatan lamang sa patitinda ang babayaran ng mga stall owner at hindi pa kasama ang monthly rental o buwanang pagbabayad ng pwesto.

Ayon kay Aling Ine Domingo, kung mauuwi lamang sa utang ang ipambabayad niya para sa goodwill ay mas mainam pang mamuhunan na lamang siya sa pagtatayo ng apartment o paupahang bahay.

Habang si Aling Ansing Aguilar naman ay baka mag-online selling na lamang kesa bumalik sa bagong palengke.

Hindi pa naman decided ang tinderong si Jun Dela Cruz at kapwa sila umaaasa ni Aling Cel Gonzales na baka sakaling mabago pa ang presyo ng goodwill at magawan ng paraan na mapababa ito upang patuloy silang makapag-hanapbuhay doon.

Matatandaan na nasunog ang City Supermarket noong April 1, 2020 habang ang Magsaysay Public Market o Sangitan Market naman ay dinemolished.

Ako po si Philip ‘Dobol P’ Piccio para sa Balitang Unang Sigaw!