ILOG BALIWAG BRIDGE, LALAANAN NG PHP100 MILLION SA 2025 DPWH INFRASTRUCTURE PROGRAM

Sa pamamagitan ng liham ay ipinaalam ni Engr. Osias A. Santos, District Engineer ng Nueva Ecija 1st District Engineering Office, DPWH sa 40th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan na kabilang na sa kanilang 2025 Infrastructure Program ang mungkahing “Widening of Permanent Bridges-Ilog Baliwag Bridge along Nueva Ecija – Pangasinan Road”.

Ito ay kaugnay ng Resolution No. 395-s-2024 na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan na humihiling sa DPWH-Regional III na mapabilis ang pag-apruba ng pondo para sa naturang pagsasaayos ng tulay.

Base sa resolusyon, nakatanggap ng mga reklamo ang Sangguniang Panlalawigan mula sa mga mamamayan at negosyante ng bayan ng Guimba dahil sa sirang Ilog Baliwag Bridge sa Brgy. Sto. Rpsario, Sto. Domingo, Nueva Ecija.

Nilagyan ng mga harang ang nasabing tulay dahil sa kasalukuyan nitong sitwasyon para hindi makadaan ang malalaking sasakyan.

Bilang resulta ang mga delivery trucks ng basic goods at ibang mga produkto kabilang ang mga pampasaherong sasakyan tulad ng bus ay ipinagbawal na dumaan dito na nakaapekto sa mga negosyante at mamamayan ng bayan ng Guimba at iba pang kalapit na lugar.

Ipinaliwanag ng kinatawan ng DPWH 1st District Engineering Office sa Talavera na ang rehabilitasyon ng naturang tulay ay hindi pa maisakatuparan bunsod ng hindi pa naaaprubahan ng DPWH Regional Office ang budget proposal para dito.

Dahil dito ay gumawa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan bilang pagtalima sa natanggap na reklamo upang mapabilis ang paglalaan ng pondo para sa rehabilitasyon ng tulay.

Taong 2022 nang isara ang naturang tulay sa mga malalaking truck nang magkaroon ng butas ang bahagi nito.