IMBESTIGASYON SA SERBISYO NG PRIMEWATER, INIHAIN NA SA KAMARA

Nahaharap sa sunud-sunod na imbestigasyon ang PrimeWater Infrastructure Corporation dahil sa mga reklamo mula sa iba’t ibang panig ng bansa kaugnay sa umano’y palpak, mahal, at mapagsamantalang serbisyo sa tubig.

Noong Hulyo 8, inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Resolution No. 35 nina ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel Co. Layunin ng resolusyon na siyasatin at posibleng kanselahin ang mga joint venture agreements ng PrimeWater sa mga lokal na water district.

Ayon sa mga mambabatas, may higit 77 joint venture agreements sa buong bansa sa ilalim ng PrimeWater na karamihan ay pinasok noong panahon ni Senador Mark Villar bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways o DPWH kung saan naka-attach noon ang Local Water Utilities Administration. Giit nila, may posibleng conflict of interest na kailangang siyasatin.

Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa PrimeWater sa pamamagitan ng Local Water Utilities Administration. Nagsumite na ang ahensya ng ulat sa Palasyo ngunit iginiit ng mga mambabatas na kulang ang tugon ng ehekutibo, at kailangan ng mas malalim na pagbusisi upang maprotektahan ang mga konsumer.

Base sa initial survey ng LWUA, nakita ang ang reklamo tungkol sa kulay kalawang at mabahong amoy ng tubig sa Luzon partikular sa Quezon, Laguna, Cavite, Pampanga, at La Union particularly. Samantala sa Bacolod matagal nang nakikipaglaban ang mga residente na i-terminate ang kontrata sa PrimeWater.

Sa mga lungsod ng Gapan at Cabanatuan Nueva Ecija, mariing reklamo ng mga residente ang gabi-gabing pagkawala ng tubig kahit walang abisong maintenance, tatlong araw na sunod-sunod na kawalan ng suplay sa ilang lugar, kulay kalawang na tubig, at palagiang “maintenance” na tila wala namang nakikitang resulta.

Ayon pa sa kanila, sobrang hina ng pressure ng tubig kung kailan meron man, kaya’t malaking perwisyo ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Giit ng ilan, mas maayos pa umano ang dating serbisyo ng NAWASA bago pumasok ang PrimeWater, at ngayon ay tila nagkakagulo na ang sistema.

Samantala, inihain ni Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun ang House Resolution No. 22 na naglalayong imbestigahan din ang JVAs ng PrimeWater. Sa Subic, Zambales, ilang barangay ang nawalan ng tubig nang halos isang buong araw noong Abril 2025.

Bilang tugon, inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Subic ang Resolution No. 29, Series of 2025 na nananawagang putulin na ang kasunduan sa PrimeWater dahil sa matagal nang kapalpakan.

Sa gitna ng batikos, sinabi ng PrimeWater na inaaksyunan na nila ang mga problema, kabilang ang rehabilitasyon ng Barihan Pumping Station sa Bulacan, matapos bumaba ang produksyon nito simula Hunyo 9. Nangako rin ang kompanya na aayusin ang mga pump station upang matiyak ang suplay ng tubig lalo na sa mga paaralan.

Nanawagan ang mga mambabatas, consumer groups, at lokal na opisyal ng mas mahigpit na regulasyon at pananagutan sa mga pribadong kumpanyang humahawak ng mga serbisyong publiko.