IMPORTED NA SIBUYAS, DARATING SA SUSUNOD NA DALAWANG LINGGO

Inaasahan na sa loob ng susunod na dalawang linggo, darating na dito sa bansa ang inangkat na 3,000 metric tons (MT) ng pulang sibuyas at 1,000 metric tons ng puting sibuyas habang hinihintay ang anihan ng mga lokal na magsasaka.

Ito’y matapos aprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng 4,000 metric tons ng sibuyas upang maiwasan umano ang muling pagtaas ng presyo nito gaya ng nangyari noong taong 2022 na pumalo sa PHP720.00 kada kilo ang halaga nito dahil sa kakulangan ng suplay.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng pag-aangkat na pigilan ang pananamantala ng mga negosyanteng nagmamanipula ng presyo ng sibuyas sa gitna ng kakulangan nito sa merkado.

Sinang-ayunan naman ito ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban at sinabing ang pag-aangkat ay isang preventive measure para mapunan ang posibleng kakulangan sa suplay.

Batay sa datos ng BPI noong kalagitnaan ng Enero, nasa 8,500 metric tons lamang ang stock ng pulang sibuyas, habang nasa 1,628 metric tons ang puting sibuyas na tatagal hanggang ngayong buwan ng Pebrero.

Kumokonsumo umano ang bansa base sa kasalukuyang demand ng humigit-kumulang 17,000 metric tons ng pulang sibuyas at 4,000 metric tons ng puting sibuyas bawat buwan.