INA, NAGULANTANG: “PAPA JESUS”, KACHAT NG 6 NA TAONG GULANG NIYANG ANAK
Nagulat ang bente sais anyos na inang si Denise Diaz nang madiskubre niya kung sino ang kausap ng kanyang anim na taong gulang na anak na si Pupuy sa Messenger.
Isang account na may pangalang “Papa Jesus” pala ang kinakausap ng kanyang anak kung saan siya nagpapadala ng mga video at voice message at sinubukan ding tawagan ng ilang ulit.
Napag-alaman ito ni Denise nang tingnan ang Messenger history ng kanyang anak dahil na rin sa abiso ng kanyang kapatid na nagsabing may kachat ang kanyang anak at nagtatanong tungkol sa langit.
Sa isang video message ay inosenteng nagtanong si Pupuy kung kumusta na si “Papa Jesus” at kung masaya ba ito sa langit?
Nagsimula umano ang pagkamausisa na ito ni Pupuy tungkol sa Diyos at langit matapos ang maagang pagpanaw ng anim na buwang gulang na pinsan nito na si Kylie.
Doon aniya nagtanong si Pupuy kung kasama na ba ng pinsan niyang si Kylie ang Diyos at maging ang kanyang lolo na namapayapa na rin.
Nakaimpluwensya umano kay Pupuy sa pagkahumaling nito sa Diyos ang pagiging relihiyoso ng kanilang pamilya.
Ipinapaliwanag naman aniya ni Denise sa kanyang anak na walang nakakakita sa Diyos at ang mga imahe na nakikita nito sa Facebook ay mga representasyon lamang ng Panginoon.

