BABALA: SENSITIBONG BALITA!

INA NG MGA BATANG NAMATAY SA AKSIDENTE, SINISISI ANG SARILI

Labis na pagdadalamhati ang nararanasan ni Myla Santillana na kanyang ibinahagi sa sunud-sunod niyang Facebook post matapos sabay-sabay na pumanaw ang kaniyang tatlong anak.

Napatay umano sa malagim na aksidente sa bayan ng Sta. Rosa ang kanyang mga anak na sina Marcus/Bunjoy, 10 years old, KL, anim na taong gulang at Mikyla/Mikmik, edad dalawa.

Sa Facebook post naman ng nagpakilalang pinsan ni Santillana na si Shara Maling, ikinuwento nito ang kabuuang detalye sa nangyari sa mag-aama, October 19, 2024, bandang 11:00 ng gabi, pauwi na aniya sila ng apat na magkakapatid na sina Bunjoy, KL, Liway 3 years old, at Mikmik 2 galing sa 40-day memorial service ng isang kamag-anak.

Sakay ng tricycle ang mga biktima na minamaneho ng kanilang ama na si Michael, nang sila ay mabunggo ng isa pang motorsiklo.

Sa tindi ng salpukan, nagtamo ng malalalang head injuries ang tatlong magkakapatid na sina Marcus, KL, at Mikmik kaya kahit nadala pa umano sila sa ospital ay binawian sila ng buhay.

Nagawa raw na protektahan ni Marcus ang kapatid na si Liway, kaya ito nakaligtas sa aksidente.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay kritikal ang kalagayan sa pagamutan ng kanilang ama.

Inihihingi rin ng tulong pinansyal ni Maling ang pamilya Santillana, partikular na ang para sa pambayad sa hospital bill.

Sa mga nagnanais magpaabot ng tulong, maaaring dumirekta sa mga sumusunod:

09707382067 | Jemyla Padilla (GCASH)
09686305861 | Genielou Moya (GCASH)
09954572246 | Tracy Yoingco (GCASH)
1163378319 | Jessalen Padilla-Yoingco (Chinabank)