Personal na nagpaabot ng mensahe si Indian Minister of External Affairs Subrahmanyam Jaishankar kay President Ferdinand Marcos Jr. na kaisa ito ng Pilipinas sa ipinaglalabang karapatan sa West Philippine Sea.

Sa naganap na pagsalubong kay Jaishankar sa Malacañan, ay sinabi ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas at India ay nagkakaisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Indo-Pacific region.

Nanindigan naman si Jaishankar na determinado ang India sa kanilang posisyon sa South China Sea at binigyang-diin ang bisa ng 2016 ruling ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nagpawalang-bisa sa pag-angkin ng China sa katubigan ng Pilipinas.

Dagdag pa niya, handa ang kanilang bansa na maging “charter member” ng Pilipinas kung ang pag-uusapan ay ang pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea.

Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos Jr. sa suporta ng India sa Pilipinas, at kanyang tiniyak na patuloy na susunod sa UNCLOS at mga pandaigdigang batas ang kanyang administrasyon.

Samantala, maliban sa natanggap na suporta ay nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa desisyon ng India o ang “world’s largest rice exporter” na mag-export ng 295,000 metric tons ng non-basmati white rice sa Pilipinas.

Matatandaang noong Oktubre ng nakaraang taon, inaprubahan ng India ang pagpapadala ng 295,000 metric tons ng non-basmati white rice sa Pilipinas na siyang pinakamataas na ibinigay ng India sa mga foreign country matapos magkaroon ng mga paghihigpit sa pag-supply sa ibang bansa.

Ipinagbawal ng India ang pag-export ng non-basmati rice noong Hulyo 2023 upang mabigyang pansin ang tumataas na presyo nito sa domestic market, kaya tanging ang Pilipinas, Nepal, Cameroon Cote d’ Ivore, Malaysia, Seychelles, at Republic of Guinea ang mga bansang eligible para sa exports.