INTERNET ACCESS SA MGA PAARALAN, PALALAKASIN NG DICT
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na palakasin ang internet connectivity sa mga paaralan sa buong bansa.
Ayon sa Pangulo, sa kasalukuyan ay nasa 60% pa lamang ng mga paaralan sa buong bansa ang may internet access.
Binigyang-diin din niya na ang kakulangan sa kuryente ang isa sa mga pangunahing hadlang sa pagpapaigting ng digital connectivity sa mga paaralan.
Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang naging pagbisita sa Epifanio de Los Santos Elementary School sa Manila sa unang araw ng pasukan noong Lunes, June 16, 2025 upang alamin ang kalagayan ng mga estudyante at guro, at tukuyin ang mga pangunahing pangangailangan ng paaralan.
Nauna rito, dumalo rin siya sa pagbubukas ng Brigada Eskwela 2025 sa Tibagan Elementary School sa San Miguel, Bulacan noong June 9, kung saan nakasama niya sina DICT Secretary Henry Aguda, DepEd Secretary Sonny Angara, at PCO Secretary Jay Ruiz sa inspeksyon upang tiyakin ang kahandaan ng mga paaralan para sa face-to-face at digital learning sessions.
Kaugnay nito, isinusulong ng DICT ang programang “Digital Bayanihan”, na naglalayong suportahan ang mga paaralan hindi lamang sa internet access kundi pati sa paghubog ng mga digital skills ng mga guro at estudyante upang makasabay sa mabilis na takbo ng teknolohiya.

