ISA PANG KANDIDATONG SENADOR, UMATRAS; NGUNIT TULOY ANG MGA ADBOKASIYA SA SEKTOR NG AGRIKULTURA AT KALUSUGAN
Itutuon na lamang umano ni Rep. Wilbert ‘Manoy’ Lee ang kaniyang atensyon sa kaniyang mga adbokasiya, partikular sa pagsuporta sa agriculture sector at pagprotekta sa mga magsasaka, mangingisda at local food producers.
Ito’y sa pamamagitan ng pagtulong sa AGRI Party-list upang manalong muli.
Nagsagawa kamakailan ng meet and greet sa local media ng Nueva Ecija si Lee kung saan inilahad nya na pangunahin niyang tinututukan ay ang mga panukala at batas para sa serbisyong pangkalusugan ng mga Filipino.
Ilan aniya sa kanyang mga ipinaglalaban ay ang pagpapalawak ng coverage ng Philhealth sa chemotherapy, pagpapagamot sa kanser at iba pang malubhang mga sakit, at Konsulta ng primary care benefit package; pababain ang gastos sa pagpapa-ospital hanggang malibre na ang pagpapagamot; libreng Pet Scan, CT scan at MRI; libreng gamot at dapat sagot ng gobyerno ang ‘Zero billing, hindi Zero Subsidy’.
Umatras si Agri Party-list Rep. Manoy Lee sa pagtakbong senador para sa May 2025 midterm election, isang araw bago ang opisyal na panahon ng kampanyahan para sa national positions.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lee na wala siyang sapat na makinaryang politikal para magsagawa ng isang matagumpay na kampanya.
Samantala, naunang binawi ni dating Ilocos Sur governor Chavit Singson ang kaniyang kandidatura sa pagka-senador noong January 12, dahil hindi na umano kakayanin ng kaniyang kalusugan ang trabaho ng isang senador.

