ISANDAANG ORAS SA ISANG ARAW
Sa bawat pagsikat ng araw, may mga kuwentong maisasalin, may mga ngiting masisilayan sa mga labi, at may panibagong simula na para bang ang buhay ng isang tao ay napakahabang paglalakbay–puno ng sigla ng kabataan, pakikipaglaban sa mga hamon ng buhay, at pag-aasam sa kapayapaan.
Ako si John Lloyd Espiritu Angcog at samahan ninyo akong alamin ang k’wento ni Tatay Jaime, isang Novo Ecijanong naging saksi sa isang siglong pagbabago, ala-ala, at pag-asa.
Dito na sa lugar na ito sa Porais, San Jose City, Nueva Ecija lumaki si Tatay Jaime Corpuz o “Imeng” para sa karamihan. Dito sa lugar na ito nahubog ang kan’yang kaisipan at dito rin nahubog ang kaniyang pagkatao kung sino man siya mula noon hanggang ngayon. At higit sa lahat, dito nagsimulang makipaglaban si Tatay Jaime sa mga hamon ng buhay.
Ipinanganak noong October 3, 1924, si Tatay Jaime at si Nanay Justina ay may sampung anak – sina Zenaida, Jaime Jr., Jones, A.C., Juanito, Rosalinda, Joselito, Anabelle, Marites, at Jennifer.
Dito sa paaralang ito sa paaralang ito nag-aral si Tatay Jaime hanggang sa ika-apat na baitang.
Gaya ng ibang kabataan, dumaan rin si Tatay Jaime sa pang-ordinaryong buhay; naglaro, nakipagtawanan, nakipagk’wentuhan, nakisalamuha, at higit sa lahat, hinarap ang mga pagsubok ng buhay. Gaya ng ibang tao, naranasan ni Tatay Imeng manligaw at magmahal at dito natin nakilala si Nanay Justina, ang naging kabiyak ni Tatay hanggang sa pagtanda.
Sa katanghalian ng buhay, kung saan ang araw ay nasa init at karurukan ng liwanag, alamin natin kung paano nagpunyagi si Tatay Imeng upang masimulan ang pundasyon ng kaniyang mga pangarap, kung paano niya sinuong ang pakikibaka ng buhay.
Ayon kay Nanay Zenaida Villamar, anak ni Lolo Imeng. Istrikto raw si Tatay Jaime at lagi silang pinapalo. At bilang panganay, siya ang nauuna, kaya naman takot na takot raw sila kahit sa tingin at tawag pa lang ng kanilang ama. Ngunit sa kabila nito, masipag naman umano si Tatay Jaime bilang tatay, nagtatrabaho bilang magsasaka at construction worker sa iba’t-ibang lugar sa Luzon.
Sa paglubog ng araw sa kanluran, maiiwan ang mga naratibong tila isang malaking pagbabaliktanaw sa makaluhugang paglalakbay patungong dapit-hapon.
Nang tanungin kung ano ang pinakamalaking pangarap na natupad ni Tatay Jaime, ani Nanay Zenaida ay ang pagkakaroon ng mahabang buhay.
Nang tanungin kung ano ang sikreto ni Tatay Jaime sa kaniyang ika-isandaang taon, aniya exercise lamang ang kaniyang sikreto.
Pabiro namang sinagot ni Nanay Rosemarie, manugang ni Tatay Jaime na dahil umano iyon sa kaniyang “anting-anting” sa dibdib. Dagdag pa niya, si Tatay Jaime, umiinom pa rin ng alak at kape kahit na 105 years old na siya. Kapag umano naghahanap si Tatay Jaime ng maiinom, naghahalo sila ng dalawang patak ng alak sa softdrinks na nagsisilbing chaser naman nito. Habang umiinom naman siya ng kape tuwing umaga.
Nang matanong si Nanay Zenaida kung anong katangian o kaugalian ni Tatay Jaime ang nais nilang makuha ng susunod na henerasyon, aniya, ay pananalig sa Diyos.
Mayroon ring iiwang mensahe si Tatay Jaime para sa mga Kabataan
Mula sa pagsikat ng araw ng kaniyang buhay hanggang sa nalalapit na dapit-hapon, naging simbolo si Tatay Jaime ng katatagan at nagsilbing inspirasyon para sa kaniyang mga anak, apo, at mga kapitbahay at bagama’t hindi natin mapipigilan ang paglubog ng araw sa kanluran, nawa’y ang mga k’wento gaya ng kay Tatay Jaime ay maisalin pa sa muling pagsilang ng liwanag sa hilaga.

