Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund na gawing mas accessible ang home mortgage financing para sa mga Pilipino.
Sa talumpati ng pangulo sa ginanap na Pag-IBIG Fund Chairman’s Report for Year 2023, pinuri nito ang record-high performance ng Pag-IBIG Fund noong nakaraang taon.
Ngunit komento nito, marami pang maaaring gawin ang ahensya, kaya naman iminungkahi niya ang pagtatayo ng one million housing units taun-taon bago matapos ang kanyang termino sa taong 2028.
Sa naging pahayag ni Pangulo, ay sinabi nitong ipinapatupad ng administrasyong Marcos ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program (4PH) upang tugunan ang pangangailangan sa mga pabahay, at gayundin ang 6.5 million housing backlog sa bansa.
Samantala, ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, nakaipon ang mga miyembro ng Pag-IBIG Fund ng P89.26 billion noong 2023, na itinuturing bilang “new record-high” dahil sa laki ng membership savings ng ahensya.
Habang ang mga miyembro naman ng Modified Pag-IBIG2 (MP2) savings, ay nakaipon ng P46.54 billion.
Paliwanag ni Secretary Acuzar, P20.17 billion loans ang inaprubahan para sa 4PH program na may layuning pondohan ang 17,791 housing units, at P250 billion naman ang nakalaan sa programa hanggang 2028.

