ITLOG, DAING, PUSIT, MATUMAL ANG BENTA SA SANGITAN PUBLIC MARKET CABANATUAN CITY
Bahagyang bumaba ang presyo pero matumal ang bentahan ng itlog, daing at pusit sa San Isidro, Sangitan Public Market, Cabanatuan City.
Ito ang napag-alaman kay Maricel Cabacungan, may-ari ng Jeff & Cell, Egg & Dried Fish Store.
Aniya, kapag mainit ang panahon ay marami ang suplay kaya bagsak ang presyo.
Isa aniya sa mga dahilan kung bakit nababawasan o umoonti ang suplay, ay kapag matanda na ang mga paitluging manok ay mahina na itong mangitlog.
Nanggagaling aniya sa Bataan ang suplay nilang tuyo. Mula naman sa Cebu ang pusit, at sa Tarlac at Bulacan ang angkat nilang mga itlog.
Dito sa San Isidro, Sangitan Public Market, bumaba ng halos 50 sentimo ang presyo ng itlog na puti. Sa ngayon ay makakapamili ka ng presyo sa Php 6.00 sa small size; Php7.00 sa medium; Php8.00 hanggang Php8.50 sa large; at Php9.00 hanggang Php9.50 naman sa XL; Php 13.00 naman sa itlog na pula/maalat; at Php 150.00 naman ang per box (100 pieces) sa itlog ng pugo; Php80.00 kapag 50 piraso at Php40.00 naman kung 25 piraso.
Samantala, ang dating presyo na Php420.00 kada/kilo ng daing na dilis na puti, ngayon ay pumapatak na lang ito sa Php400.00; ang labahita na dating Php260.00 ay Php240.00 na lang; habang nasa pagitan naman ng Php 20.00 hanggang Php40.00 ang ibinaba sa dating presyo ng flying fish, tilapia, at palipad hipon na lumalaro ngayon sa Php240.00; Php340.00 sa dilis kurisan itim; Php180.00 hanggang Php200.00 sa big at medium size na tuyo.
Malulula ka naman sa presyo ng daing na pusit ballpen dahil pumapalo ang kada/kilo nito sa Php750.00 hanggang ang Php800.00; at Php1,200.00 naman sa sweet pusit.

