IWAS 5-6: SUWELDO NG VICE MAYOR, IPAPAUTANG NG WALANG TUBO
Bilang pagtupad sa kanyang pangako noong kampanya, ilalaan ni San Antonio, Nueva Ecija Vice Mayor Arvin C. Salonga ang kanyang buwanang suweldo upang pondohan ang programang “Iwas 5-6” o ang zero-interest lending initiative para sa mga mamamayan ng San Antonio.
Layunin ng programa na bigyan ng dagdag na puhunan, na walang interes at walang kolateral, ang mga nagtitinda sa palengke, rolling store owners, tricycle drivers, at iba pang may maliliit na negosyo at hanapbuhay sa 16 na barangay ng San Antonio.
Ayon kay Salonga, ang bawat benepisyaryo ay maaaring umutang ng hanggang P10,000 at inaasahang makakabayad sa loob ng 3 hanggang 4 na buwan.
Ang proyekto ay inilunsad bilang alternatibo sa “5-6 system” o ang pautang na may mataas na interes, na karaniwang pinapasukan ng mga nangangailangan.
Target ng ‘Iwas 5-6’ na mailayo ang mga mamamayan sa pautang na may mataas na interes, at matulungan silang palaguin ang kanilang kabuhayan nang hindi nababaon sa malaking utang.

