JAPANESE MELON PICK-AND-PAY, MAE-EXPERIENCE SA GROVEST GREENFIELD, SAN ISIDRO, NUEVA ECIJA
Sa Brgy. Pulo, San Isidro, Nueva Ecija, matatagpuan ang Grovest Greenfield — isang 11-ektaryang bukid na dating palayan, ngayon ay tahanan ng premium Japanese melon na puwedeng pitasin mismo ng mga bisita habang natututo tungkol sa makabagong pagsasaka.
Pag-aari ito ni Clarice Kong at ng kanyang Malaysian husband, nagsimula sila noong 2021, matapos ma-inspire sa isang farm sa Malaysia. Dahil magkahawig ang klima ng dalawang bansa, sinimulan nila ang research at development, at noong Nobyembre 2024, naging matagumpay ang unang anihan.
Mayroon silang 15 greenhouse kung saan tanim ang limang klase ng Japanese melon:
Sagami – pinakamatamis, umaabot ng 1.8kg, na may farmgate price na ₱320/kg
Fujisawa – kapareho ng Sagami sa quality at presyo
Daigoji at Inthanon – mas malalaki, umaabot ng 3kg, may presyong ₱300/kg
Golden Honey – budget-friendly, na nagkakahalaga ng ₱220/kg
Ang tamis ng mga melon ay nasa 13–18% sugar level, perpekto ang bilog, walang batik, at may free taste agad pagdating palang.
Mayroon silang 158 solar panels na nagpapatakbo ng solar submersible pump para sa palay at melon. Sa palayan, umaabot ng 160 cavans per hectare ang ani. May fertilizer mixing area rin sila kung saan dumadaloy ang pataba gamit ang drip irrigation system na nakakontrol sa cellphone — galing sa teknolohiya ng Malaysia.
Noong una, bulk buyers ang target nila. Pero nang dumating ang unang ani, walang bumibili. Sinubukan nila ang online selling, at isang customer ang nagpumilit bumisita para lang makasigurong totoong may Japanese melon sa San Isidro.
Pagkatapos ng masayang karanasan ng customer, nagsimula ang Pick and Pay—kung saan mismong mga bisita ang mamimitas ng melon, guided tour pa ito kung saan natututo ang mga tao tungkol sa smart farming, hydroponics, at greenhouse growing.
May taniman din sila ng oyster mushroom na may 44,000 fruiting bags. Puwedeng mamitas o bumili ng fruiting bags, ₱35 bawat isa. Ang mushroom ay ₱250/kg.
Walang entrance fee, reservation, o schedule — basta may harvest, basta i-check lang ang kanilang Facebook na Grovest Greenfield, puwede kang bumisita. Bata, matanda, o may dalang alagang hayop, welcome lahat.
Hindi mo na kailangang pumunta sa Japan para makatikim ng totoong Japanese melon — dahil sa Grovest Greenfield, pitas na, may matututuhan ka pa!

