JOB ORDER, CONTRACT OF SERVICE EMPLOYEES, MAAARING MAGING MIYEMBRO NG SSS SA ILALIM NG KALTASSS COLLECT PROGRAM

Aprubado sa 11th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na makipagkasundo sa Social Security System Cabanatuan City para sa implementasyon ng KALTASSS Collect Program.

Ayon kay Branch Manager Elizabeth Gabon ng SSS Cabanatuan City, sa pamamagitan ng pakikipagpartner ng SSS sa mga opisina at ahensya ng gobyerno ay maaaring maging miyembro ang mga job order at contract of service employee’s kung saan icocover sila bilang self-employed persons.

Paliwanag pa ni Gabon na sa ilalim ng programa ay mas mapapadali na ang pagbabayad ng kontribusyon ng mga magiging miyembro o dati ng miyembro ng SSS sa pamamagitan ng salary deduction scheme at hindi na kinakailangang pumunta sa kanilang opisina o kahit saang payment channels nila para maghulog.

Dagdag ni Gabon, para sa mga permanent employees naman na dati na ring nakapaghulog ng kontribusyon sa kanila ay maaari pa ring magpatuloy sa paghuhulog bilang voluntary paying member sa ilalim din ng salary deduction scheme.

Sa ngayon ani Gabon ang minimum contribution ay nasa Php760 kung saan saklaw ng Php750 ang social security at ang Php10 ay para sa employee’s compensation habang sa mga dati nang nakapaghulog ay Php750 na lamang, na mayroong monthly salary credit na Php5, 000 na magiging batayan ng loans o benefits na ia-apply ng miyembro.

Mayroon na din aniyang tatlumpu’t isang KALTASSS collect partners sa Nueva Ecija ang Cabanatuan Branch na kinabibilangan ng dalawampu’t isang LGU’s at sampong national government agencies.

Sinabi naman ni Mary Angeline Fernandez, Provincial Human Resource Management Officer, na sa kasalukuyan ay hindi ito gagawing mandatory kundi boluntaryo.