JOB ORDER, CONTRACTUAL EMPLOYEES NG PROVINCIAL GOVERNMENT, PWEDENG MAG-AVAIL NG HOUSING LOAN
Ipinaliwanag ng mga kinatawan ng PAG-IBIG Fund sa mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang mga kwalipikasyon, dokumento, at iba pang importanteng impormasyon ukol sa pag-aapply ng housing loan, lalo na para sa mga may mababang sahod.
Sa isinagawang orientation, sinabi ng PAG-IBIG na kinakailangan na ang isang miyembro ay may 24 buwang hulog o dalawang taon ng kontribusyon. Ngunit kung hindi pa umabot sa 24 buwan ang hulog, maaari itong bayaran ng buo (lump sum) upang kaagad na maging kwalipikado sa loan application. Halimbawa, maaaring bayaran ang halagang ₱400 kada buwan sa loob ng 24 buwan, o kabuuang ₱9,600, upang makumpleto ang kinakailangang kontribusyon.
Hindi rin hadlang ang uri ng employment status sa pag-avail ng housing loan. Maaaring mag-loan ang mga regular, job order, at contractual employees, basta’t sila ay aktibong miyembro ng PAG-IBIG at nakatugon sa kontribusyon requirement.
Iba-iba ang dokumentong kailangan depende sa layunin ng housing loan. Kung ang layunin ay pagbili ng lote, pagpapatayo ng bahay, o pagbili ng foreclosed property, may kanya-kanyang listahan ng requirements para rito.
Tiniyak naman ng PAG-IBIG na kapag kumpleto at wasto ang mga isinumiteng dokumento, ang loan application ay maaaring maaprubahan sa loob ng 30 working days mula sa petsa ng pagsusumite.
Bukod sa regular na housing loan, ipinakilala rin ng PAG-IBIG ang tinatawag na “Acquired Assets Super Sale”, kung saan maaaring makabili ang mga miyembro ng foreclosed properties o mga bahay na naremata sa napakababang halaga, may diskwento na umaabot hanggang 40%.
Ang mga property na ito ay maaaring bilhin ng cash o kaya naman ay i-avail sa pamamagitan ng housing loan. Marami sa mga acquired assets na ito ay matatagpuan din sa Nueva Ecija, kaya hinihikayat ang mga miyembro na samantalahin ang pagkakataong ito upang magkaroon ng sariling bahay sa mas abot-kayang halaga.

