Humiling ang grupong Advocates for Genuine and Outstanding Services (AGOS) sa Sangguniang Panlungsod ng Angeles City na muling suriin ang Ordinance No. 740, Series of 2025, na nagpapangalan sa sports complex sa Barangay Pampang bilang “Jose Lapid Sports Complex.”
Ayon sa open letter na ipinost ni Alexander Sangalang Cauguiran Co-Convenor ng AGOS, inaprubahan umano ang ordinansa nang walang committee hearing.
Dahil dito, iginiit ng grupo na kulang ang deliberation, public consultation, at transparency sa proseso.
Binanggit din ng AGOS na ang ordinansa ay naglalalaman ng mga pahayag na may “remarkable contribution” umano si Jose Songco Lapid sa Angeles City at Barangay Pampang.
Gayunman, ayon sa grupo, wala umanong malinaw at dokumentadong ebidensya na sumusuporta sa mga pahayag na ito, at wala rin siyang tala ng proyekto o makabuluhang ambag sa lungsod.
Iginiit pa ng AGOS na maaaring lumabag ang ordinansa sa Local Government Code at sa guidelines ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), na nagsasaad na hindi dapat ipangalan ang pampublikong pasilidad na pinondohan ng public funds sa politiko o political family.
Nagbabala rin ang grupo na maaaring maapektuhan ang reputasyon ng Angeles City pagdating sa good governance at transparency kung mananatili ang ordinansang kulang umano sa proseso at ebidensya.
Nilinaw ng AGOS na ang kanilang apela ay hindi laban sa sinuman, kundi panawagan para sa pagsunod sa batas.

