KABATAANG MAGSASAKA MULA SA CUYAPO, KABILANG SA NAGWAGI SA YOUNG FARMERS CHALLENGE NG DEPARTMENT OF AGRICULTURE

Binigyang-parangal ng Department of Agriculture (DA) ang mga nagwagi sa Young Farmers Challenge 2023 na kinabibilangan ng kalahok mula sa Cuyapo, Nueva Ecija na si John Carlo Abedoza ng “Sir Juan Agriventure New Generation’s Philippine Native Chicken Raising”.

Kabilang si Abedoza sa nag-uwi ng Php 300,000 kasama ang labindalawa pang kalahok sa Start-Up category ng Young Farmers Challenge, habang lima naman ang nagwagi sa Upscale category na nanalo ng tig-Php 500,000.

Ginanap ang National Awarding Ceremony ng DA sa Crop Biotechnology Center, PhilRice, Science City of Munoz, Nueva Ecija.

Ayon kay Abedoza, ang naisip niyang negosyo ay ang pag-aalaga ng mga native na manok sa modernong paraan.

Kwento pa niya, naisipan niyang sumali siya sa Young Farmers Challenge dahil sa sinabi umano ni Senator Imee Marcos tungkol sa mga kabataan na nais maging bahagi ng agrikultura.

Gagamitin aniya sa pagpapalawak ng kanyang negosyo ang financial grant na kanyang napanalunan na magagamit niya sa loob ng dalawang taon.

Dagdag pa niya, ang ganitong uri ng programa ay malaking tulong lalo na sa mga kabataang magsasaka na wala pang sapat na kapital, at nakakatulong din ito sa pagsulong ng agriculture industry sa buong bansa.