Isa sa nais tutukan ng bagong halal na Sangguniang Kabataan Federation President na si Armella Kate Cruz ng bayan ng San Antonio, Nueva Ecija ang mabigyan ng sapat na atensyon ang mga kabataang may kapansanan partikular na ang mga kapos sa pinansyal upang makapag-aral.
Pagtutuunan din aniya nila ng pansin ang kalusugan ng mga kabataang Persons with Disability (PWD) o kung anumang maaaring makatulong sa kanila upang sila’y mapabuti.
Bilang 3rd year Tourism Management student ay sisikapin aniya na magampanan ang kanyang tungkulin bilang lider ng mga kabataan sa lalawigan at maisakatuparan ang kanilang mga pinaplanong programa at proyekto sa kanyang kapwa kabataan.
Baguhan man sa larangan ng politika ay sisikapin aniyang mas maging mahusay sa paglilingkod sa bayan at maging bukas sa mga dapat niyang matutunan.
Winelcome naman si Armela ni Vice Governor Anthony Umali at mga bokal sa 47th Regular Session bilang bagong kasapi ng kapulungan ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

