KABUHAYAN NG MGA MAGSASAKA, PINAG-EKSPERIMENTUHAN NGA BA? SA 4 NA TAONG PAGPAPATUPAD NG RTL
Pina-konsidera ni Nueva Ecija 3rd District Representative Ria Vergara sa Department of Agriculture sa ginanap na deliberasyon ng 2024 national budget ang pag-amyenda ng ahensya sa Rice Tariffication Law sa kanilang legislative agenda.
Ginawa ito ng kongresista sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bigas sa pamilihan na hindi na halos kayang bilhin ng karaniwang mamamayan. Samantalang mababa naman ang halaga ng aning palay ng mga lokal na magsasaka.
Partikular na ipinababago ay ang pagbabalik sa kapangyarihan ng National Food Authority bilang stabilizer ng presyo ng bigas.
Ang dati kasing papel ng NFA na mag-import ng bigas at magbenta nito sa mas mababang halaga ay nawala nang maisabatas ang RTL.
Ibig bang sabihin nito ay aminado na si Congressman Vergara na mali ang pag-sponsor nya sa nasabing batas dahil pinababago o itinatama nya ito, matapos ang apat na taong pagpapatupad nito?
Matatandaan na November 14, 2018 nang aprubahan ang Senate Bill number 1998 sa pamamagitan ng pagboto ng ‘Yes’ ng labing-apat na mga senador sa pangunguna ni Senator Cynthia Villar.
Pinirmahan ito ni former President Rodrigo Duterte noong February 14, 2019, at May 20, 2019 nang maging ganap na batas bilang Republic Act No. 11203 na mas kilalang Rice Tariffication Law.
Ngunit, nagmula ang RTL sa House Bill number 7735 na inakda ing limampo’t apat na kongresista, kung saan kabilang sa co-authors ang apat na kinatawan ng apat na distrito ng lalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Cong. Ria Vergara.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, pinapayagan ang pagpasok ng imported rice, na kung bakit sa panahon pa man din ng anihan dumadagsa kaya sinisisi ito sa pagbagsak ng halaga ng palay.
Maituturing itong kabalintunaan dahil ang Nueva Ecija ay ang tinaguriang ‘Rice Granary of the Philippines’ na nangungunang producer ng bigas sa ating bansa, kung saan pagsasaka at pagtatanim ng palay ang pangunahing kabuhayan ng mga mamamayan.
Pagkaraan ng apat na taong nagbingi-bingihan sa panawagan na ibasura ang RTL ay bigla na lamang nag-ingay sa kongreso si Vergara para ipabago ang RTL.
Tila yata ginawang eksperimento ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pag-akda ng batas na ito?
Dahil ngayon ay parehong hirap ang mga magsasaka sa mababang halaga ng palay, at ang taumbayan sa mataas na presyo ng bigas na pagkain sa araw-araw.

