KAGUTUMAN AT KAHIRAPAN, LALABANAN NG KOALISYON NG MGA AHENSYA NG GOBYERNO AT IBA’T IBANG ORGANISASYON
Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na lalaban ng kanyang administrasyon ang kagutuman at kahirapan sa bansa matapos ang kanyang paglagda ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Joint Memorandum Circular sa Malacañang.
Ang EPAHP ay isang koalisyon ng 34 na mga ahensya, kasama ang mga lokal at internasyonal na organisasyon, na may layuning gawing realidad ang ‘zero hunger’ sa bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, layunin din ng programa na palakasin ang kita ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng koneksyon sa mas malalaking merkado at mga feeding programs ng gobyerno.
Dagdag pa ng Pangulo, makakatulong ang pagbibigay ng credit at insurance assistance sa community-based organizations (CBO), at ang paggamit ng teknolohiya tulad ng Digital Mapping System ng United Nations Food and Agriculture Organization (UNFAO), upang mas mapadali ang ugnayan ng mga organisasyon, merkado, at maging ang feeding programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay sa datos noong May 2024, higit sa PhP200 million na ang halaga ng benta mula sa 122 community-based organizations sa ilalim ng programang ito.
Samantala, isang 14-member EPAHP Steering Committee, na pinamumunuan ng Secretary ng DSWD, ang bubuuin upang tiyaking epektibo at tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang sa ilalim ng EPAHP.

