Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa government-wide approach upang matiyak ang food security sa pamamagitan ng layuning isulong ang zero hunger at nutrition security sa Pilipinas.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensya ng gobyerno at lahat ng Local Government Units (LGU) na suportahan ang implementasyon ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Program.
Ang naturang programa ay bahagi ng Task Force on Zero Hunger, na naglalayong wakasan ang kagutuman at malnutrisyon sa bansa, at sila rin ang inatasan na tiyakin ang patuloy at epektibong pagpapatupad ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty Program.
Kabilang sa mga hakbang na isinasagawa ng Task Force on Zero Hunger upang palakasin ang mga feeding programs ay ang pakikipagtulungan sa mga partner agencies, pagpapalawak ng credit assistance para suportahan ang food production, processing, at distribution sa pakikipagtulungan sa mga government financial institutions, at pag-uugnay sa mga kasapi na Community based Organizations (CBOs) sa mga prospective markets.
Inatasan din ang task force na paigtingin ang provision ng farm production technologies at extension ng mga serbisyo government assisted family farms at rural based organizations.
Nais din ng Pangulo na palakasin ang sustainability ng EPAHP Program sa pamamagitan ng implementasyon ng mga polisiya na nag-uugnay sa pribadong sektor at i-institutionalize ang mga mekanismo sa LGUs.
Bukod pa rito, inutusan din ni Pangulong Marcos ang task force na i-adopt ang Community Participation Procurement upang mahikayat ang mga CBOs na lumahok sa EPAHP program.

