KAKULANGAN NG MGA NURSE, HEALTHCARE PROFESSIONALS SA PILIPINAS, TUTUGUNAN
Nagbigay ng rekomendasyon at updates sa naganap na pulong sa Malacañang ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector Group kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa kakulangan ng mga nurses at Filipino healthcare professionals sa bansa.
Ayon kay PSAC Healthcare Sector Lead Paolo Borromeo, patuloy nilang binubuo ang Clinical Care Associates Program o CCA na makakatulong sa libo-libong underboard nurses o mga nakatapos ng nursing degree ngunit hindi nakapasa sa board exam.
Mayroon na rin aniyang binuong programa ang Commision on Higher Education upang mahikayat ang mga public at private sectors na kumuha ng mga nursing underboards sa kanilang mga institusyon at mai-enroll sila sa mga review program.
Sa iniulat ni Borromeo, mula sa 1,000 ay nasa 457 Clinical Care Associates (CCAs) na ang unang batch na nakapasok sa pitong Higher Educational Institutions (HEIs) para sa kanilang board reviews.
Dagdag pa niya, tumaas ang nursing board passers simula noong 2022 kumpara noong panahon ng Covid-19 pandemic.
Patuloy din aniya ang inter-agency collaboration para sa ilang programa tulad ng bilateral labor agreements, Balik Nurse program, at TESDA-CHED Credit Transfer.
Nakikipagtulungan na rin umano ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) upang makabuo ng bilateral agreement sa iba pang mga bansa na handang sagutin ang gastos ng mga filipino nursing students na kalaunan ay kukuhanin nila upang i-hire.
Tinitignan na rin ng mga Local Government Units (LGUs) ang ‘adopt-a-hospital program’ at iba pang hakbang upang matugunan ang kakulangan sa mga healthcare professionals.

