KALABASA NOODLES, CHIPS NG NUEVA ECIJA, PARARAMIHIN ANG PRODUKSYON

Mula sa simpleng ani ng kalabasa, ngayon ay nakararating na sa ibang bansa ang mga produktong likha ng Orient Agriculture Cooperative ng Barangay Baloy, Cuyapo, Nueva Ecija, ito ay ang Kalabasa Noodles at Kalabasa Chips.

Ayon sa Chairman ng kooperatiba na si Severino Saclamitao, nabuo ang ideya ng paggawa ng noodles at chips dahil bukod sa palay, kalabasa ang isa sa mga pangunahing tanim sa kanilang lugar.

Bagamat hindi pa direktang pang-export, umaabot na raw ang kanilang produkto sa iba’t-ibang bansa sa tulong ng mga kaibigang Overseas Filipino Workers na tumatangkilik at nagpapadala sa kanilang mga kamag-anak sa abroad.

Bukod sa benepisyo ng kalabasa sa kalusugan gaya ng pampalinaw ng mata, natural din at walang halong preservatives ang kanilang produkto, dahil tanging sangkap lamang nito ay kalabasa, harina, asukal, itlog, at mantika.

Dalawang beses sa isang linggo ang produksyon ng kooperatiba, depende sa demand, at sa kada linggo, nakagagawa sila ng humigit-kumulang 280 packs ng noodles at 720 packs ng chips.

Sama-samang nagtutulungan ang mga miyembro mula sa paghahanda hanggang sa pagbabalot ng mga produkto.

Ayon kay Doc. Joebeat Agliam, Acting Provincial Agriculturist ng Nueva Ecija, isa ang kalabasa sa mga tinatawag na “singit crops,” o ang mga pananim na itinatanim pagkatapos anihin ang palay at bago ang susunod na taniman.

Batay sa datos ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), may 13 hanggang 15 na bayan sa lalawigan ang nagtatanim ng kalabasa.

At maswerte umano ang Orient Agriculture Cooperative dahil sila ang napiling partner ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa paggawa ng mga produktong gawa sa kalabasa.

Sa tulong ng OPA at DAR, sumailalim sa training ang mga miyembro ng kooperatiba at nailapit sila sa Department of Agriculture, kaya naman ngayon ay kabilang na sila sa mga kooperatibang nakalinya na mabibigyan ng processing facility upang mapalawak pa ang kanilang produksyon.

Sa kasalukuyan, magtatatlong taon na ang kanilang produksyon ng kalabasa noodles at chips, at mabibili ito sa mga trade fair, at iniimbitahan na rin sila ng OPA na sumali sa Kadiwa ng Pangulo.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang chairman ng kooperatiba sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng OPA, at sa mga ahensya ng DAR, Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, at Lokal na Pamahalaan ng Cuyapo na tumulong sa kanila upang maging matagumpay ang kanilang paglalabas ng produkto.

Samantala, nanawagan si Doc. Agliam sa mga Novo Ecijanos na tangkilikin ang sariling atin, lalo na ang mga lokal na produktong gaya ng kalabasa noodles at chips.

Hinihikayat din niya ang iba pang kooperatiba na subukan ang paggawa ng sariling produkto, dahil tiyak aniyang susuportahan ito ng Kapitolyo.