Kalahating Milyong Punla, Itinanim sa Pangasinan

Mahigit 500,000 puno na ang naitanim sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan sa ilalim ng Green Canopy Program ng pamahalaang panlalawigan, katuwang ang mga boluntaryo.

Ayon kay Governor Ramon Guico III, layunin ng programa na makapagtanim ng isang milyong puno bago matapos ang kanyang termino. Kabilang sa mga itinanim ang mangroves, bamboo, at mga puno ng prutas gaya ng calamansi, atis, langka, abokado, at guyabano.

Inilunsad noong 2023, layunin ng proyekto na hikayatin ang mamamayan sa pagtatanim at pangangalaga ng kalikasan. Ayon kay Jose Estrada Jr. ng PAGASA Dagupan, nakatutulong ang mga puno laban sa baha, soil erosion, at matinding init, na lalong naramdaman noong El Niño 2024.

Samantala, ipinaliwanag ni Guico ang pagputol ng ilang puno sa capitol grounds sa Lingayen upang bigyang-daan ang mga bagong gusali tulad ng 11-story Capitol Plaza at international hotel.

Giit niya, bahagi ito ng modernisasyon ng kapitolyo na magiging environment-friendly, ligtas, at kaaya-aya para sa publiko at mga turista.