Literal na naging akyat-bahay ang isang kambing sa inuupahang apartment ng Novo Ecijanang si Girlie Valdez sa Lipa, Batangas na hindi nila namalayang nakapasok na pala at umakyat pa sa second floor.

Ayon kay Girlie, dahil sa tindi ng init ng panahon ay binuksan nila ang front door ng kanilang apartment at panandaliang umakyat sa kwarto para may ayusin.

Nagulat na lamang aniya sila ng kanyang kasama na may kambing nang nakapasok at umakyat pa mismo ng hagdan, kaya nang makita nila ito ay agad din nilang pinababa.

Ang kambing ay galing sa farm ng mga manok na panabong sa likod ng inuupahan nina Girlie at tanging ang kambing lang daw na ito ang mahilig gumala.

Naniniwala si Girlie na baka natanaw o naamoy daw ng kambing ang tanim nilang mga kangkong, talbos ng kamote, at kamatis sa itaas ng kanilang apartment kaya napaakyat ito nang makitang bukas ang kanilang pinto.

Dahil mahal ang gulay doon at sanay din sa buhay probinsya sa Nueva Ecija na palaging may maasahang tanim na gulay sa bakuran ay naisipan nilang magtanim ng gulay sa mga timba dahil limitado din ang kanilang espasyo.

Dati na ring pinasok ng tuko ang apartment nina Girlie habang nag-uwi naman ng bayawak ang alaga nilang pusa na kinuhanan din nito ng video at pinakakawalan din naman nila.

Sa kabila nito ay panatag naman sina Girlie na hindi sila papasukin ng mga magnanakaw sa kanilang lugar pero dapat pa ring mag-ingat kaya mas magiging mapagmatyag na aniya sila sa kanilang paligid.

Para kay Girlie, tayong mga tao ang tunay na invader sa natural na tirahan nila.