KAPAMPANGAN SISIG, SOLD-OUT SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON MATAPOS ITAMPOK SA NETFLIX

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 45 years, na-sold out ang Kapampangan sisig ng Trellis Restaurant matapos itong lumabas sa longest-running food and travel Netflix series na “Somebody Feed Phil.”

Tampok sa Season 8, Episode 7 ng show ang Filipino cuisine kung saan bumisita sa Pilipinas ang host na si Phil Rosenthal, kasama ang content creator na si Erwan Heussaff.

Isa sa mga pinuntahan nila ay ang Kapampangan-owned restaurant na Trellis sa Quezon City.

Personal na inihain ng owner at cabalen chef na si Claude Tayag ang kanilang sizzling Kapampangan sisig kay Rosenthal, at sa unang tikim pa lamang, agad itong nagustuhan ng host at tinawag na “chopped-up delicious pork” at “absolutely delicious.”

Dahil dito, dumagsa ang mga customer sa Trellis, dahilan para ma-sold-out ang kanilang sisig sa unang pagkakataon.

Ipinahayag ng Trellis sa kanilang Facebook page ang pasasalamat sa mga dati na at mga bagong taga-suporta.

Ayon sa Center for Kapampangan Studies ng Holy Angel University sa Angeles City, Pampanga, ang sisig ay nag-ugat sa Kapampangan cuisine at unang naitala noong 1732 bilang isang sour salad na gawa sa prutas o gulay tulad ng hilaw na papaya at bayabas na nilagyan ng suka upang mapawi ang pangangasim, lalo na sa mga buntis na naglilihi.

Ngunit noong 1974, muli binuhay at pinasikat ni Lucia “Aling Lucing” Cunanan ng Angeles City ang sisig, nang aksidente umanong masunog ang iniihaw niyang tenga ng baboy, at sa halip na itapon, hiniwa niya ito, nilagyan ng suka, sibuyas, at pampalasa, at ito na ang itinuring na “new version” ng sisig.

Dahil dito, kinilala si Aling Lucing bilang “Sisig Queen” at ang Angeles City bilang “Sisig Capital of the Philippines.”

Samantala, ayon sa naging press statement ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco sa kanyang facebook page, malaking tulong sa food at culture tourism ng bansa ang pagkakabilang ng Pilipinas sa serye.

Aniya, ang episode ay nagpapakita ng yaman ng lasa at init ng pagtanggap ng mga Pilipino sa mga bisita.