KAPASIDAD NG GABALDON MEDICARE & COMMUNITY HOSPITAL, PALALAKASIN NG IPINAGKALOOB NA 2D ECHO MACHINE
Mas mapapalakas na umano ang kapasidad sa pagbibigay ng serbisyong medikal ng Gabaldon Medicare and Community Hospital dahil sa ipinagkaloob na 2D Echo Machine ng The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saint sa pamamagitan at tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Emmanuel Antonio Umali.
Ayon kay Dr. Christian Salazar, Officer-In Charge, Gabaldon Medicare and Community Hospital pagkakaroon ng iba’t ibang sakit sa puso ang kadalasang suliranin ng kanilang mga pasyente, kaya naman sa pamamagitan ng naturang machine ay maaari nang malaman ng mas maaga at maagapan ang mga sakit na ito.
Hindi lamang din aniya ang mamamayan ng bayan ng Gabaldon ang maaaring makinabang dito kundi maging ang mga pasyente mula sa mga karatig bayan tulad ng Laur, Bongabon at Palayan City.
Sinabi naman ni Dra. Rhoda Francia, Medical Officer ng GMCH, na kabilang sa mga benepisyo ng pagkakaroon nila ng 2D Echo Machine ay mababawasan na ang gastusin sa pamasahe ng kanilang mga pasyente na pumupunta pa dati ng Cabanatuan City para magpa-2D Echo.
Magiging libre din ang paghahatid ng serbisyo nito para sa mga pasyente sa pamamagitan ng socialization program ng Alagang Umali ng Pamahalaang Panlalawigan.
Pasasalamat naman ang ipinahatid ng pamunuan ng naturang pagamutan sa The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saint at Pamahalaang Panlalawigan dahil sa kanilang natanggap na bagong medical machine para mas mapalakas ang kanilang paglilingkod at paghahatid ng serbisyo sa kanilang mga pasyente.

