KAPISTAHAN NI LA VIRGEN DIVINA PASTORA, MAKULAY NA IPINAGDIRIWANG SA GAPAN CITY, NUEVA ECIJA

Isang makabuluhang tatlong araw na pagdiriwang ang inihanda ng Parokya ng Tatlong Hari sa Gapan City para sa Kapistahan ni La Virgen Divina Pastora ngayong May 1, 2025.

Sinimulan kahapon Miyerkules, April 30, ang mga banal na gawain bilang bisperas ng kapistahan, kung saan sunod-sunod ang mga misa mula umaga hanggang gabi, kasama ang nobena sa hapon.

Ngayong araw, Huwebes, May 1 idinaos ang misa sa hatinggabi na sinundan ng prusisyon ng orihinal na imahe ng Mahal na Ina. Nagsagawa rin ng mga banal na misa tampok ang misa concelebrada kaninang alas-9 ng umaga na pinangunahan ni Obispo Prudencio P. Andaya, Jr.

Bukas, May 2, araw ng Biyernes, magpapatuloy ang mga banal na misa bilang pagsasara ng pista.

Inaanyayahan ang lahat ng deboto at mananampalataya na makiisa sa mga natitirang gawain sa Basilica Minore at Pambansang Dambana. Itinuturing si La Virgen Divina Pastora bilang Makalangit na Pintakasi ng Diocese ng Cabanatuan at Reyna ng Gitnang Kapatagan.

Sa taimtim na panalangin at pananampalataya, patuloy na ipinagdiriwang ng mga Novo Ecijano ang kanyang kadakilaan bilang Ina ng Mabuting Pastol.