KARAHASAN, PANG-AAGAW SA LUPA, PANG-AABUSO UMANO SA KAPANGYARIHAN SA IKA-APAT NA DISTRITO NG NUEVA ECIJA, IBINULGAR
Nagsama-sama ang mga Pastor sa ika-apat na distrito ng Nueva Ecija at nagsagawa ng Evangelical Prayer Rally, kaugnay ng umano’y karahasan, pang-aagaw sa lupa, at pang-aabuso sa kapangyarihan na nagaganap sa nasabing lugar.
Nagbahagi ng testimonya ang ilan sa mga nagsasabing biktima ng pang-aagaw ng lupa ng grupo ni Congressman Emerson ‘Emeng’ Pascual.
Ayon kay Ginang Lucila Bote, mula sa Sitio Minalungao, noong Agosto ng nakaraang taon, pinasok at sinira ang kanyang taniman ng saging at kawayanan, pero imbes na tulungan, sinampahan pa siya ng cyberlibel case ni Cong. Emeng matapos niyang i-post sa social media ang kanyang hinaing.
Isa sa tatlong daang pamilyang miyembro ng Bayanihang Magsasaka ng Sangilo Associations Inc. (BMSAI) si Lucila na nagsasaka ng humigit-kumulang isanlibong ektaryang lupain na sakop ng Sitio Cunakon, Sitio Bayukbok, Sitio Sangilo, at Sitio Minalungao sa Barangay Pias, General Tinio, at sa karatig na Barangay Macabaklay sa Gapan City.
Sa loob ng limang dekada, nagtatanim sila doon ng mga gulay at prutas, at ibinebenta ang kanilang mga ani sa mga lokal na pamilihan. Ngunit dahil umano sa alitan nila sa lupa ng grupo ni Cong. Emeng Pascual ay nalagay sa alanganin ang kanilang buhay at kabuhayan.
Kasama rin sa nagbigay ng testimonya ang mag-asawang sina San Leonardo Mayor Elan Nagaño at Former 4th District Representative Dra. Maricel Natividad-Nagaño, kalaban sa pagka-kongresista ngayong eleksyon ni Pascual.
Paliwanag nila, kahit sila ay hinaharass din ng kongresista at muntik pa nitong maagaw ang lupa ng pamilya ni Dra. Maricel.
Isiwalat din sa pagtitipon na nakikipag-unahan si Cong. Emeng na bilihin ang mga lupaing katabi ng kinatatayuan ng solar power project sa ika-apat na distrito upang maibenta ito sa mas mataas na presyo.
Hinikayat naman ng mga nangunang pastor sa prayer rally, na huwag matakot at manahimik ang mga mamamayan lalo na ang mga nakararanas ng pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan.
Ipinalangin din nila na sana’y pagtuunan ng pansin ng mga nakaupong opisyal ng pamahalaan at mga mananalong kandidato sa darating na eleksyon ang bawat pamilya, mga sector ng edukasyon, kalusugan, ekonomiya, gobyerno, sining at kultura, imprastraktura, at serbisyong panlipunan.
Samantala, pinabulaanan naman ni Cong. Emeng Pascual sa panayam sa Rappler ang mga paratang laban sa kanyang grupo, at sinabing “politically motivated” ang dahilan sa likod nito.

