KARAPATANG PANTAO AT MAKATARUNGANG BATAS, PATULOY NA PRAYORIDAD NG KAPULISAN

Tiniyak ni PNP Chief General Nicolas D. Torre III ang patuloy na pagtalima ng kapulisan sa karapatang pantao at makatarungang pagpapatupad ng batas, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dumalo si Chief Torre sa naganap na flag raising ceremony ng Commission on Human Rights (CHR), at kinilala niya ang ahensya bilang mahalagang katuwang ng PNP sa pagsigurong makatao at makatarungan ang mga operasyon ng pulisya.

Sinabi rin niya na ang PNP ay nananatiling tapat sa kanilang tungkulin na magpatupad ng batas, panatilihin ang kapayapaan, at protektahan ang publiko nang may respeto sa batas at karapatan ng bawat tao.

Ayon pa kay Torre, itinuturing lamang ng PNP na huling option ang paggamit ng “lethal force” kung ang isang kriminal ay ayaw sumuko o labis nang mapanganib.

Tiwala umano siyang hindi aabusuhin ng mga kapulisan ang kanilang armas at kapangyarahiyang manghuli para lamang sa kanilang pansariling interes o para lang mapaganda ang kanilang reputasyon.

Iginiit din ni PNP Chief ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagtutulungan ng kapulisan at mga human rights groups, upang lalo pang mapalakas ang pananagutan at mas mapairal ang makataong paraan ng pagpapatupad ng batas.